MGA KARANIWANG TANONG
ANO BA Â ANGÂ PHYSICAL THERAPY (PT)?
Ang Physical Therapy o PT ay isang serbisyong tumutulong sa mga taong may pangangailangang pagbutihin, panatilihin o ibalik sa dati ang kanilang pagkilos sa pang-araw araw nilang mga gawain. Karaniwang nalilimitahan ng pagtanda, mga aksidente at mga sakit ang ating paggalaw. Makakatulong ang PT sa mga ganitong sitwasyon. Tanging mga lisensyadong propesyunal lamang ang maaaring magbigay ng serbisyong ito.
ANO BANG GINAGAWA SAÂ PT?
Ang isang PT session ay karaniwang nagtagal ng isang oras. Ina-assess o sinusuri ang ating katawan, postura at kilos. Inuugnay ang mga findings na ito sa ibang impormasyon tungkol sa inyong kalagayan, ibang mga karamdaman, mga gawain sa bahay, trabaho at lugar na ginagalawan. Base dito ay magdidisenyo ng treatment plan ang PT. Ito ang mga istratehiyang gagamitin para isa-isang masolusyonan ang mga problemang matutuklasan sa assessment. Sa mga session, maaaring gumamit ng yelo o pampainit, mga ehersisyong magpapalakas o magbabanat sa mga muscle o kalamnan, and pagpapraktis ng mga galaw na magpapadali sa pang-araw araw na buhay. May home exercise program na ipapagawa sa inyo sa mga araw na walang session para mapabilis ang inyong paggaling.
ANONG MGA KONDISYON ANG KAILANGAN NG PT?
Kahit anong limitasyon sa paggalaw ay matutulungan ng PT. May mga batang ipinanganak na may Down Syndrome (DS) at Cerebral Palsy (CP) na nahuhuling matutunan ang madaling pagkilos kumpara sa ibang bata. Sila ay matutulungan ng mga pediatric na PT. Ang mga kilala nating na-stroke na hindi maigalaw ang kalahati ng kanilang katawan ay matutulungang kumilos ng mga neurologic na PT. Ang mga atletang nai-injure o kahit sinong nag-eehersisyo o naglalaro ng sports ay matutulungan ng mga sports PT. Kahit ang simpleng pananakit ng likod and leeg dahil sa matagal na pagtatrabho sa harap ng computer ay matutulungan ng mga musculoskeletal na PT. Ang mga naoperahan sa puso ay matutulungan ng mga cardiac PT na makabalik sa pagkilos ng mabuti. Ang mga matatandang may rayuma ay matutulungan din ng mga geriatric na PT. Ang mga nagkaroon ng CoVid-19 na hirap sa paghinga at pagkilos ay matutulungan ng mga pulmonary na PT. Kahit ano pang bahagi ng buhay, makakatulong sa atin ang PT.
ANONG KAIBAHAN NITO SA HILOT, CHIROPRACTOR O MYOTHERAPY?
Sa ating kultura, karaniwan tayong may mga hilot sa komunidad. Iginagalang natin sila bilang mahalagang bahagi ng ating lipunan mula pa noong araw. Ang kaibahan ng mga nag-aral ng isang pormal na kurso sa unibersidad sa loob ng limang taon ay ang kaalamang base sa agham na tanggap sa buong mundo. Pagkatapos ng pagsasanay sa iba't ibang ospital at klinik bago magtapos, dumadaan din ang mga PT sa isang licensure exam sa Professional Regulation Commission (PRC) upang mabigyan ng lisensiya. Kada dalawang taon, nire-renew ang mga lisensya.
​
Ang mga Chiropractor at Myotherapist ay may sariling proseso ng pag-aaral at pagsasanay na nakatutok sa pag-aayos ng mga buto at laman sa mabilisang paraan. Iginagalang natin sila. May mga taong mas nakikinabang sa ganitong serbisyo.
​
Direktang nakikipag-ugnayan ang mga PT sa mga doktor. Lahat ng aspeto ng buhay ng pasyente gaya ng sitwasyon sa trabaho, postura, pag-ehersisyo, sitwasyon sa tahanan, dating mga sakit, atbp ay isinasaalang-alang sa pagdisenyo ng treatment plan. Isinusulong din ng mga PT ang pagbabago sa mga karaniwang gawain o lifestyle change para sa mas pangmatagalang ginhawa ng pakiramdam at pagkilos.
KAILANGAN BA MUNANG MAGPATINGIN SA DOKTOR BAGO MAGPA-PT?
Opo. Sa ating kasalukuyang batas, bago tayo magpa-PT ay kailangan munang masuri ng doktor at mabigyan ng referral. Matagal nang sinusubukan ng Philippine Physical Therapy Association (PPTA) na baguhin ito.
PAREHO BA ITO SA PHYSIOTHERAPY?
Opo. Mas ginagamit lamang po ang "physiotherapy" o "physio" sa mga bansang gaya ng UK, Australia at Europa.
EPEKTIBO BA ANG ONLINE NA PT O TELEREHAB?
Opo! Buong mundo ay kinailangang mag-adjust sa pandemiya. Natutunan naming gamin ang internet at teknolohiya para maihatid pa rin ang mga serbisyong nabanggit sa ibang paraan habang hindi pa tayo makapagkita ng personal. Napatunayan na sa buong mundo na ang telemedicine, kung saan bahagi ang telerehab, ay tunay na epektibo! Tingnan ang video sa ibaba kung saan ang isa sa ating mga PT ay naghahatid ng ganitong serbisyo.